Hindi ko makakalimutan ang sinabi ni Mayor Ryanh Dolor na binigkas nya sa isang mamahayag at inilathala naman nito – na ako ay isang salimpusa. Kasunod ito ng lumabas na pahayag ko sa national tv noong Abril 14-16, 2015 pagkatapos paslangin ang aking kaibigang si Mei Magsino na sa aking tingin, may motibo ang mga Dinastiyang Dimacuha at Dolor sa krimen. Naitanggi na nila yan sa magkahiwalay na pahayag sa media, kasama nga ang pagkutya sa akin ng punong bayan ng Bauan.
Kung iisipin at pag-aaralan, at gaya ng madalas sabihin ng matatanda, sa sariling bibig nahuhuli ang isda. Bakit sinabing isa akong salimpusa? Dahil ba itinuturing ng mga Dolor na isang usaping panloob sa Bauan ang pagpaslang kay Mei? Aba parang may mas malalim na kahulugan!
Ano bang ibig sabihin ng salimpusa? Ayon sa yahoo.com, “
Salingpusa (pronounced as salimpusa by others) refers to an individual who is made a member of a group even though he or she does not possess all the requirements for membership. Derived from the words "sali" meaning to join and "pusa" meaning cat. "Pusa" acts here as a placeholder; any other noun could have been used.
Later on salingpusa may have been Americanized to saling-cat. "Cat" when pronounced by Americans is "ket" so the term became "salingket", or modified later to salingkit.”
Kaya batay dito, masasabing ako ay tumuturing o maaaring may nagtuturing na isang Bauangeno bagama’t hindi taga Bauan.
Kaya hindi ko maiwasan ang magbalik-tanaw: Batang reporter pa man ako, malapit na ako sa mamamayan ng Bauan at San Pascual. Unahin natin ang San Pascual, kung saan naranasan ko ang makipanayam sa mga residente ng Poblacion sa gitna ng dilim noong panahong pinutulan sila ng ilaw ng dating Mayor Mario Magsaysay dahil kontra sila dito. Sa takot na mag makaalam na may isang reporter sa lugar, nagatyaga kami sa isang madilim na sulok upang pag-usapan ang kanilang hinaing. Matapos ko itong maiulat nang walang binabanggit na pangalan kungdi nagparinig lamang ng mga boses ng taumbayan, galit na galit sa akin ang dating mayor. Sumugod sa himpilan ng radio at nagpa-interview upang ibigay ang kanyang panig.
Sa Bauan naman, hindi ko na masyadong maalala ang isyung pambayan na naging dahilan ng pag-aaway namin ni dating Mayor Pakito Castillo. Ang natatandaan ko, pabalagbag nya akong sinagot sa interview sa opisina nya (noon tanging si Raneo Abu ang konsehal na oposisyon na walang magawa sa matapang na alkalde; kay bilis lumipas ng panahon, si Raneo na ngayon ang naghahari kasama ng mga Dolor!).
Kinabukasan iniulat ko sa radyo ang pangyayari at ipinakita ang panig ng taumbayan. Galit na galit si Ka Pakito na tumawag at sinagot ako ng live sa radyo na pagalit. Pero sa halip na ako ay maniklop-tuhod, sinagit ko sya na “wag nya akong tatakutin dahil hindi ako taga-Bauan (ibig ko ipasaring na tanging mga taga-Bauan lang ang hindi kayang tumindig sa kanya). Mahabang kwento, pero natapos sa isang pagkakaibigan namin ni Ka Pakito. Hindi ko makakalimutang binigyan pa nya ako ng may personal dedication na librong
The Mysteries of Taal by Thomas R. Hargrove, na naglalarawan ng makulay na kasaysayan at kultura ng Bauan, mula pa noong panahong ito ay nasa lugar na ngayon ay nasa ilalim na ng Taal Lake.
Ang pinaka di ko malilimutang pangyayari ay noong maging panauhin ko sa cable TV program ko ng sabay sina Ka Pakito at Mayor Magsaysay. Katindihan noon ng boundary dispute ng dalawang bayan, at dahil abogado at talagang mas mahusay sa diskurso, inilampaso ni Ka Pakito si Magsaysay.
Sa tuwa, humingi ng kopya ng aking programa at ipinalabas sa lahat ng barangay ng Bauan. Kaya maski sa mga lugar na walang serbisyo ng CATV, nakita ang aking programa.
Samakatwid, hind ko masisisi si Ryanh Dolor na sabihing ako ay isang salimpusa dahil WALA NAMAN SYANG ALAM sa kwento ng aking mahabang romance with Bauan. (Speaking of romance, muntik na rin akong maging Bauangeno sapagkat nagka-nobya ako ng taga Lacorrea St. noong araw).
Kaya useless o walang saysay sa akin kung sabihing salimpusa ako. At lalong walang saysay na takutin ako dahil “nakikiaalam” ako sa Bauan, gaya ng ginagawa ng ilan sa facebook. Sisihin nyo ang mga nagpapatay kay Mei Magsino kung bakit ako narito ngayon. Dahil siguro sa isang pahimakas, ginawa nya akong isa sa mga admin ng pahinang
TAGA BAUAN, BATANGAS KA KUNG…, dahil naramdaman nya na may kailangang maiwan at magpatuloy ng kanyang nasimulan – ang
KRUSADA NG PAGBABAGO SA BAUAN.
Hangga’t nandyan ang dinastiya na kung turingin ang bayan ay kaharian at pag-aari nila (gaya ng
Evil Empire), marami ang susunod sa mga simulain namin ni Mei. Darating at darating ang takdang panahon na lalagutin ng suklam ng taumbayan ang mga buktot na pamunuan.
Huwag nang magtaka na ang salimpusa ay madaling naakit sa tambalang Johnny-Guding, dahil kabaligtaran sila ng mag-amang naghahari-harian sa Bauan sa loob ng 18 taon.