Thursday, August 15, 2013

HUSTISYA PARA KAY KONSEHALA MARA FERNANDEZ, IPAGLABAN

Noong June 28, 2013, habang natutulog sa kanyang pansamantalang tinutuluyan sa bahay sa Quezon City ng isang kaibigan dahil sa kanilang pagdalo sa isang pagsasanay bago magsimulang manungkulan, hinalay ni Lipa Councilor Nonato "Patmon" Montero si San Pascual Mara Fernandez, 20 taong gulang at bagong halal sa kanilang bayan bilang first municipal councilor (sundan ang balita dito).

Ang karanasang ito ay lubhang mabigat sa biktima at sa kanyang pamilya kaya malalim na pinag-isipan bago naidulog ng pormal sa piskalya. Nang magkalakas ng loob si Mara at magsampa ng kaso, katakot-takot na paninira at panlilibak ang inabot nya, at may mga pahatid-balita pa na hindi na raw sya dapat nagreklamo at nananahimik na lamang. Subalit bukod sa pagiging isang babae, halal ng bayan at isang mabuting anak, naniniwala si Mara na makakamit nya ang hustisya.

Subalit lantad ang katotohanang lubhang mayaman at maimpluwensya ang salarin at ang kanyang pamilya, na bukod sa malalaking negosyo, ay aktibo rin sa pulitika. May mga pahatid-balita rin na may mga lumalakad na ng kaso ni Mara sa piskalya ng Quezon City. Subalit sa kabila ng lahat ng ito - naninindigan si Mara sa katotohanan at katarungan.

Mayor Sabili
Dahil dito, ang panawagan kay Justice Secretary Leila de Lima ay  iatas nya ang malaya at pantay na paghawak ng kaso ng mga prosecutors ng Quezon City, at siguruhing isasampa ang mga kaso laban kay Patmon Monfero sa lalong madaling panahon.

Nakatuon din ang pansin ngayon kay Lipa City Mayor Meynard Sabili dahil sa mistulang pagtatakip kay Patmon sa halip na usigin ito. Bilang Mayor ng Lipa, isang malaking kahihiyan sa buong Lungsod ang mayroong isang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ang nadadawit sa ganitong karumal-dumal na kaso. Ang sinumang opisyal na nagtatangkang pagtakpan si Patmon ay wala na ring pagkakaiba sa kanya.

Kay Patmon Monfero, higit na makakabubuti ang agarang pagbibitiw sa tungkulin upang hindi na lubha pang makaladkad ang dangal ng Lipa. Ito rin ang magpapakita na hindi na papayag ang Pamahalaang Lungsod ng Lipa na magamit ni Patmon ang impluwensya nya sa pulitika upang gipitin ang mga testigo ni Mara na mga kapwa rin konsehal ni Patmon sa Lipa.

No comments: