Sunday, December 13, 2015

Malakas pa sa bagyong Nona ang pagtakbo ni Beverly

Photo meme from Mikoy Abaya
May mga impormasyon ang aking mapagkakatiwalaang bubwit – mas malakas pa sa bagyong Nona ang paghahayag ng kandidatura ni Beverly Abaya Dimacuha (BAD) – Mariňo  dahil yayanigin nito ang pundasyon ng Berberabe-Dimacuha dynasty.

Lantarang sasagpi at maghahayag na ng suporta si Doc Jun Berberabe (Vice Mayor) sa tropang pulahan ni Kristine G. Balmes (KGB). Sabi ng aking source, mas may pag-asa raw na tumupad si KGB sa pangakuan nila ni Doc, keysa sa matagal na inasam at inasahan nya sa kampo ng mga Dimacuha, na sa dakong huli
ay kapamilya pa rin ang piniling ipalit sa may sakit na puno ng dinastiya na si Eduardo o EBD.

Ano kayang pangakuan ito?

Kung anuman, ang pinakamahalaga sa ngayon ay putulin na ang paghahari ng pamilya ni EBD na halos 28 taon na. Napag-iwanan na ang dating pangunahing Lungsod ng Batangas, at mabilis na nauungusan  ng mga Lungsod ng Lipa at Tanauan. Maaaring susunod na ring maging lungsod ang Sto. Tomas.

Sabi nga ni Gob. Dodo Mandanas, ang Batangas City ay may kakayahang maging “most powerful city” dahil nandito ang mga planta ng kuryenteng nagsu-supply sa malaking pangangailangan ng Luzon. Dagdag pa nya, nasa may 70% ng supply ng pagkain, lalo na ng gulay, karne at itlog ang kontribusyon ng Batangas sa Metro Manila.

Bukod pa dyan ang international seaport na sa halip magamit sa malusog na komersyo ay nagagamit sa mga illegal na gawain tulad ng smuggling.

Ang turismo din  ng Batangas City ay napabayaan na dahil sa halip na ang Lungsod ang ipamalita, pa-epal na larawan ng mag-asawang Vilma at Eduardo ang mga naka-highlight sa tourism campaign kaya maraming turista ang “turned-off.” Ginagawa rin nilang promotional family affair ang kapistahan at sublian sa halip  linangin ang kulturang Batangueňo ayon sa maraming observers.

Sa halip, ang mga pinagtutuunan ng pansin ay mga pagkakakwartahang kasunduan sa pagtatayo ng mga kumpanyang sisira sa kalikasan at tao tulad ng itinutulak na coal-fired power plant ng JG Summit. Nakikipagsabwatan din ang administrasyong Dimacuha sa mga kumpanya gaya ng JG Summit Petrochemical at Keilco Ilian Power Plant upang hindi magbayad ng pagkakautang sa buwis na umaabot na sa tig-P 385 million o P 770 million,  habang iginigiit ng dinastiya ang pag-utang ng P 1 bilyon mula sa Landbank para umano paunlarin ang lungsod, gayong ang pagkakautang pa lamang ng 2 kumpanyang nabanggit ay mahigit 70% na ng sinasabing kailangang pondo ng pamahalaang lokal kung sisingilin lamang, pero bakit ayaw? Ano nga kaya ang kaugnayan ng anak ni EBD na ngayo’y proxy mayor sa abogado ng isa sa mga kumpanyang ito?

Photo meme from Noli Atienza FB account
Sa kabila nito, santambak na pagtataas sa buwis at mga taripa  ang isinisiil nito sa mga karaniwang mambubuwis tulad ng ipinataw na Ordinance No. 20 o  pagtataas ng real property taxes na bagama’t sinabi na  ng Department of Justice na ilegal  ay ipinatutupad pa rin sa  kabila ng pagtutol ng mga mamamayan.

Samantala, bumabaha ng suhol sa mga barangay at mga guro.  Saku-sakong semento,  di mabilang na yero, mga papasko  at iba pa ang ngayon ay ipinanghahambalos  ng administrasyon, kasabay ng pagpapatanaw ng utang na loob sa mga kabataang nakatatanggap  ng tulong pinansyal sa pag-aaral (scholarship) at mga mamamayang nabibigyan ng health card na tinatawag nilang EBD card gayong pondo  ng city government ang gamit. Mga programang kahit sinong Mayor, at kung mas tapat at may malasakit ay maaaring higit pa ang benepisyong pwedeng ibigay.
Kaya bagyo talaga sa kasakiman at pagkagahaman sa kapangyarihan na ngayon ay gagamitin ang bunsong anak na babae upang ipantapat sa malakas na kandidatura ni Kristine Balmes.

Sabi ng aking source, P500M ang budget nila para manalo ang mag-asawa. At kung sakali daw na kailangang mamili sa dalawa ay si Marvey ang ilalaglag nila. P100k per barangay captain na divided into 4 gives ang budget at utik-utik ibinibigay. Last Saturday, Dec 12, ay 2k ang bigay ni BAD M at 1k ang kay Marvey na papasko sa mga barangay kagawad. 2k naman ang sa mga secretary at treasurer ng barangay. Ang mga seniors ang pinaglalaanan nila ng pera ngayon kasi alam nila na sila ang kaya nilang i-sway pa. Ang mga public school teachers ay pinapasko din ng tig 3. Bumabaha  ng kwarta sa  lungsod!


Ang hindi lamang maintindihan ng marami,  bakit sa kabila ng kanyang lakas o drawing power, at sa dami rin ng palihim na nagbibigay suporta, bakit kailangang sumayaw  ng fandango ni Balmes sa mga Berberabe? Ganyan ba talaga ang pulitika , palaging “addition”  ang mahalaga?



Rejoinder:
May kagyat na reaksyon si Mayoral candidate Kristine Balmes:

“I haven't talked with him about any deals and why would I do such? How can I implement any plans and programs I have in a term of 3 years? That is impossible. Right now the city is facing so many problems and one of them is the lack of investors to increase the city's decreasing annual budget. If the loan pushes through together with the 750M that was supposed to be collected from JG Summit that turned out to be 95M, we have a shortage of 655M in our annual budget for 2016. These two alone is a problem that we need to address as soon as the next term begins. Add to that the funds for the 2 new councilors brought about by the creation of our own district.


Ang kumakalat kasing balita at nakarating din sa akin ay nangako si Balmes na isang term lang sya kung mananalo para bigyang daan si Doc Jun B na sya naman ang mag-mayor. Pero lumlitaw na isa itong propaganda. 

Kaya unsolicited advice ko   kay Vice Doc Jun - come out in the open and unconditionally  support Ang Bagong Batangas. You are political genius no  more!

Thursday, December 10, 2015

Pagtakbo ni Beverly, insulto sa Batangueňo

Beverly Dimacuha-Mariňo
The Dimacuhas have gone too low.

Adding insult to injury, the dynastic family is fielding its only and youngest daughter, BEVERLY DIMACUHA-MARINO as substitute candidate to the ailing Dimacuha  patriarch, Eduardo.

Bagsak sa sariling commissioned surveys sina RD at Dondon at lalo na si Vilma, at may kung sinong  nagdunong-dunungang nagmungkahi na gawing eksperimento o political guinea pig si Beverly at gamitin upang ituloy ang dinastiya. Hindi man lang na-consider  ang  sispsip  ng sipsip  na si Vice Mayor Doc Jun Berberabe na sa totoo lang  ay umasa sa  wala (pamangkin sya ni EBD).

Pero malamang  hindi lamang ito insulto sa mga  taga-Batangas City kungdi maging kay Beverly dahil obviously  bukod sa hindi na makapag-isip dahil nasa state of political panic  na ang pamilya, isusubo  nila  ang kanilang  bunsong unica hija sa  isang labang siguradong  magpapagulo sa tahimik nyang  buhay. Siguradong  pag-uusapan ang pagiging  asawa nya ni Marvey  Mariňo na kandidatong congressman at lilitaw na sugapa na sila sa kapangyarihan dahil  mag-asawahan na ang  gustong komontrol sa syudad.

Pag-uusapan rin ang  mga negosyong si  Beverly ang namamahala, kasama na ang Shell gas stations na kung  magbenta ng gasolina at krudo  ay wagas – mas mataas ng  hanggang 5  piso  kada litro kumpara sa mga gas stations sa mga kapit-bayan.
BAD Mariňo

Malaking insulto na nga ang pagsasamantala nila sa pagkalikha ng isang bagong congressional district para sa Lungsod sa pagtakbo ng manugang na si Marvey Mariňo, heto at naghain sila sa atin ng isang WALANG KAKAYAHAN at WALANG KWALIPIKASYON maliban sa kanyang pagiging anak ng dinastiya.

Yan  ang sakit ng mga dinastiyang pulitikal – kapit tuko, manhid sa damdamin ng bayan, at gahaman sa kapangyarihan. Ang mga taga-Batangas City ay dapat nang mag-isip nang mas malalim.  Totoong makwarta  ang dinastiya at gamit pa ang bentahe ng kontrol nila sa kaban ng bayan, subalit ang lahat ng iyan ay mababale-wala kung TAYO  AY MANININDIGAN.

Huwag  tanggihan ang mga suhol dahil galing din yan sa kaban ng bayan,  subalit tahimik na manindigan. Kailangan na ang pagbabago. Binabastos na tayo, matagal na, MAGISING NA TAYO.  Sa dinami-dami ng mahuhusay na Batangueno bakit kailangang SILA AT SILA NA LAMANG?




Ang boto natin  sa pagbabago sa  susunod na taon ay HINDI LAMANG PARA SA SA SARILI NATIN kungdi PARA SA MGA ANAK NATIN.  Ipamana natin sa kanila ang isang pamahalaang kumakatawan sa tunay na mitihiin ng Batangueno. Maging bahagi tayo ng kasaysayan ng pagbabago. TAYO NA SA BAGONG BATANGAS!



Sunday, December 6, 2015

Isang bukas na liham kay Ka Pakito Castillo



Kgg. Abogado Bienvenido  “Pakito” Castillo
Bayan  ng Bauan, Batangas

Mahal kong Ka Pakito,

Huwag po sana ninyong isiping kawalang paggalang ang aking bukas na liham para sa inyo,  manapa’y tanggapin ninyo ito bilang isang pagmamalasakit ng isang kaibigan.

Kung naaalala  pa ninyo maraming taon na ang nakalipas noong kayo ay nakaupo pa bilang Mayor ng Bauan at ako naman ay isang mamamahayag pa sa radyo, dyaryo  at telebisyon, na bunga ng aking pagkilala sa inyong di  mapapantayang nagawa  para  sa  bayan ng Bauan, kayo ay natanong ko  “kung paano ninyo nais  maalala ng inyong bayan pag dating ng panahon na kayo ay retirado na  o  kaya ay lumisan na  sa mundong ito (lahat naman tayo ay doon patungo)? Inyong isinagot sa  akin na  tanging nais nyo  ay ang “maalala bilang isang Ama  ng Bayang pinaunlad ninyo sa loob ng mahigit 20 taon, mula  sa isang karaniwang bayan, naging primera clase, dinumog ng mga dambuhalang mamumuhunan na lumikha  ng libu-libong trabaho at lubos na nag-paunlad at  nagpatingkad sa kinang ng Bauan  sa kasaysayan  ng Lalawigan ng Batangas” (humigit kumulang sa ganyang mga  pananalita).

Sa inyong kapanahunan din nangarap at nagsikap upang maging isang Lungsod ang  Bauan na muntik nang natupad. Sa ngayon, naunahan na sya ng Tanauan, at baka maging ng Sto.Tomas.

Ka Pakito, sa inyong pagnanais  na siguruhin na may magpapatuloy ng inyong pamana o legacy, pinakandidato  nyo  bilang kahalili  nyo ang anak nyong si Kit noong 1998. Sa  kasawiang-palad  ay isang aksidente ang kumitil sa kanyang buhay sa  panahon ng halalan. Noong gabing nakaburol  ang inyong  anak,  natatandaan ko na dumalaw   ako sa inyo  at palibhasa’y malalim  na at unang gabi ng burol  (hindi pa gaanong nababalita), nagkaroon tayo ng panahon upang makapag-usap. Batid  ko  at kitang kita ang hapdi ng  inyong pagdadalamhati  sa  kasawian ng inyong  mahal na anak.

Kasunod naman noon ang isa  pang trahedya   -  ang pagkatalo ng inyong kandidatong ipinalit kay Kit, kung kalian nag-umpisa ang pamumuno ni  Hermie Dolor  kasunod  ng halalang iyon.

Bago  ang trahedyang ito, dahil  tayo ay naging magkaibigan,  at itinuring ko kayong isang ama na mahihingan ng payo, madalas  akong  pumapasyal sa  inyo upang  maghinga ng mga problema ko noon. Kayo  rin ay  naghihinga sa  akin  ng inyong pananaw  at sama  ng loob. Inakala pa ninyo  noon  na si Gobernador Dodo Mandanas  na  sumusuporta sa inyong  kalabang  si  Hermie Dolor ay nagnanais na  kontrolin  ang  pulitika sa  Bauan.

Halos   18 taon na ang nakalipas.  Lugmok na ngayon ang dating naipagmamalaking Bauan. Kabi-kabila ang dusa ng mamamayan- mataas na singil sa ilaw at tubig, paupa sa palengke, prangkisa ng tricycle; masikip na daloy ng trapiko; sinalaulang plaza; ginibang munisipyo; at lubog sa utang o pagkakasanla ang Bauan. Balak pa ring gibain ang ilang makasaysayang istruktura, gaya ng Bauan East Central School.

Maging ang kultura ng Bauan na  inyong pinagyaman ay tila isinantabi  na.

Pasarap naman sa kabi-byahe sa ibang bansa ang mga opisyal ng munisipyo. Balita pa ang luho ng ilang matatas na opisyal.

Laganap  din ang brutal na patayan na ang mga biktima ay mga anak din ng  Bauan,  kabilang  sina August deJoya  at Mei Magsino (bagama’t  sa labas sya ng Bauan itinumba), at maraming iba pa. Isa pa nga  sa mga ito ay ang pagpatay sa  isang tao sa mismong malapit sa session hall ng  Sangguniang Bayan kung saan walang pumansin sa duguang  nakalugmok na biktima gayong may  malapit na  ospital kung  saan pwede syang   itakbo. (Ganyan din ang nangyari kay Mei kung  saan  pinabayaan sya ng mga pulis na nakahandusay sa kalsada ng ilang oras kaya nasunog ang balat). Brutal, malupit, lantaran na para bagang iisa ang grupo o mga taong gumawa!

Mahal kong Ka Pakito, alam  kung wala na kayo sa pulitika at matagal na, subalit sa mga nangyayaring ito, nais ko kayong tanunging muli – ngayong binura  na halos ang  mga  pinaghirapan nyo at ito ay inyong nasasaksihan, paano nyo po gustong maalala ng inyong bayang pinaglingkuran?

Lahat po tayo ay  lilisan sa daigdig na ito, at habang  may magagawa pa tayo sa munting paraan, lalo pa kung ito ay may kaugnayan sa inyong pinagpagurang itatag at ipundar, hindi kaya  marapat lamang na makarating  sa inyo ang  paghahanap ng  kalinga ng inyong bayan? Bilang isang nakatatandang pinuno, mahalagang malaman ng mga mamamayan ang inyong pananaw sa mga kaganapan.

Maraming salamat po.

Lubos na gumagalang,

Nomer BONG Macalalad






Tuesday, December 1, 2015

Bumangon ka Bayan ng Bauan

SA BAUAN LAANG (ONLY IN BAUAN)!  -    (copied from FB post of Chito Mandanas, Nov. 30, 2015)
Anong Bayan sa buong Bansa o' maging sa buong mundo na walang Municipal Hall nang mahabang panahon? Inumpisahang ipagawa noong Hulyo 2015 makalipas ang halos 5 taon dahil malapit na ang eleksiyon ngunit mabagal pa sa lakad ng pagong ang gawaan.
Anong Bayan ang may naturingang Pambayang Ospital ( Bauan General Hospital formerly Bauan Community Hospital a. k. a. MEDICARE) pero kapag kakontra ng Mayor sa pulitika ang hihingi ng tulong ay pinagkakaitan?
Anong Bayan sa buong mundo na ang Ambulansiya ng pampublikong ospital ay sa garahe ng bahay ng Mayor nakatambay sa halip na sa mismong compound ng ospital?
Anong Bayan sa buong Pilipinas na may Technical High School para sana sa lahat ng mga matatalinong bata pero walang kakayahang pinansiyal ngunit ang nangyayari ay pagkakontra ka nila sa pulitika, lumuha ka man ng dugo ay hindi tatanggapin ang matalino mong anak?
Anong Bayan sa buong mundo na walang Liwasan o' Plaza na pwedeng pasyalan at pagdausan ng mga piging o' mahahalagang okasyon ng Bayan?
Anong Bayan na ang malaking "covered basketball court" ay inilipat sa isang Barangay sa halip na nakatayo sa mismong kabayanan?
Anong Bayan na naturingang Class "A" Municipality pero nahirapan o' nahihirapan makakuha ng "Seal of Good Local Governance" galing sa Department of the Interior and Local Government?
Anong Bayan ang Class "A" Municipality pero walang "tranparency and accountability"?
Alam ng mga tugang Bauangueño ang kasagutan ngunit ayaw alamin ng mga Bauangueñong nagbubulagbulagan at nagtutulog-tulogan.
Panahon na upang masapawan ng mga tuga ang mga hindi tugang Bauangueño upang ang nag-iisang kasagutan sa mga tanong ay tumiim sa isipan ng lahat ng mga Bauangueño at magkaisa tungo sa pagbabago ng Bauan.

Sino si Chito Mandanas?
DATING MASUGID NA TAGA SUPORTA, NGAYON AY KRITIKO NA.

Ako po ay dating tagasuporta at nagtatanggol pa kay Herminigildo J. Dolor sa mga bumabatikos at pumupuna sa kanya noong talunan pa at maging nang manalo na at hanggang sa ikalawa niyang termino. Noong talunan pa po siya, simple at mapagpakumbaba po siyang tao sampu ng mga anak niya na ang dalawang nakababata ay pareho na po ngayong pulitiko na kagaya niya. Nakumbinsi po ako ng kanyang pagkamasa at magandang mga plano noon sa Bauan. Magandang mga pangako na kinagat at pinaniwalaan ng maraming Bauangueño at isa ako doon.
Ito po ang ilan laang sa mga magaganda niyang pangako :
"Babaguhin ko ang pulitika sa Bauan. Pagkatapos ng eleksyon ay magiging magkakaibigan ang lahat. Walang titingnan at tititigan. Patas sa lahat ang gagawing pagtulong"
"Papagatin ko ang ang mga drug users at drug pushers. Tumago na sila sa kanilang pinanggalian at kakastiguhin ko sila".
"Wala ng Mayor na magmumura at magtutungayaw kagaya ni Ka Pakito Castillo".
"Hindi ko gagamitin sa pamumulitika ang Bauan General Hospital (dating Medicare kung tawagin), Bauan Technical High School, at lahat ng mga pag-aari ng Bauan"
"Hindi ko gagamitin sa pamumulitika ang pagbibigay ng pwesto sa palengke at pagbibigay ng prangkisa sa mga tricycle operators".
Pinaniwalaan at inasahan ng mas nakararaming Bauangueño si Herminigildo J. Dolor sa mga ipinangako at isa ako doon.
Pagkatapos ng unang termino at pagkapanalo niya ng "landslide" noong pangalawa niyang termino napansin ko na po ang malaking pagbabago sa katauhan nilang mag-aama at pagkalimot sa mga pangako sa sambayanang Bauangueño. Dito na po ako unti unting kumalas at sumama sa oposisyon at naging kritiko na ng Dolor. Ni isa sa mga pangakong nabanggit ay wala pong natupad.
Sa pagkakataon pong Ito ay mas lalo kong hinangaan si Atty Johnny Magboo sa kanyang paninindigan na manatiling oposisyon magpahanggang ngayon. Sa mga dating kasamahan ni Atty Johnny na naglipatan sa malambot na kama at sumapi sa Dolor, ang mga tugang Bauangueño na laang po ang maghuhusga sa kanila sa darating na Mayo 9, 2016. Kilalang kilala po ninyo sila....ang mga Dakilang Balimbing.
Ang akin pong pag-alis sa kampo ng Dolor at pagiging kritiko, ay patunay po laang na mas masarap pang mahiga sa matigas na sahig na kasama at katabi mo sa higaan ang mga nahihirapang Bauangueño kaysa lumipat at mahiga sa sobrang lambot na kama na ang mga kasama at katabi mo naman ay mga buwitre at buwaya.