Sunday, December 6, 2015

Isang bukas na liham kay Ka Pakito Castillo



Kgg. Abogado Bienvenido  “Pakito” Castillo
Bayan  ng Bauan, Batangas

Mahal kong Ka Pakito,

Huwag po sana ninyong isiping kawalang paggalang ang aking bukas na liham para sa inyo,  manapa’y tanggapin ninyo ito bilang isang pagmamalasakit ng isang kaibigan.

Kung naaalala  pa ninyo maraming taon na ang nakalipas noong kayo ay nakaupo pa bilang Mayor ng Bauan at ako naman ay isang mamamahayag pa sa radyo, dyaryo  at telebisyon, na bunga ng aking pagkilala sa inyong di  mapapantayang nagawa  para  sa  bayan ng Bauan, kayo ay natanong ko  “kung paano ninyo nais  maalala ng inyong bayan pag dating ng panahon na kayo ay retirado na  o  kaya ay lumisan na  sa mundong ito (lahat naman tayo ay doon patungo)? Inyong isinagot sa  akin na  tanging nais nyo  ay ang “maalala bilang isang Ama  ng Bayang pinaunlad ninyo sa loob ng mahigit 20 taon, mula  sa isang karaniwang bayan, naging primera clase, dinumog ng mga dambuhalang mamumuhunan na lumikha  ng libu-libong trabaho at lubos na nag-paunlad at  nagpatingkad sa kinang ng Bauan  sa kasaysayan  ng Lalawigan ng Batangas” (humigit kumulang sa ganyang mga  pananalita).

Sa inyong kapanahunan din nangarap at nagsikap upang maging isang Lungsod ang  Bauan na muntik nang natupad. Sa ngayon, naunahan na sya ng Tanauan, at baka maging ng Sto.Tomas.

Ka Pakito, sa inyong pagnanais  na siguruhin na may magpapatuloy ng inyong pamana o legacy, pinakandidato  nyo  bilang kahalili  nyo ang anak nyong si Kit noong 1998. Sa  kasawiang-palad  ay isang aksidente ang kumitil sa kanyang buhay sa  panahon ng halalan. Noong gabing nakaburol  ang inyong  anak,  natatandaan ko na dumalaw   ako sa inyo  at palibhasa’y malalim  na at unang gabi ng burol  (hindi pa gaanong nababalita), nagkaroon tayo ng panahon upang makapag-usap. Batid  ko  at kitang kita ang hapdi ng  inyong pagdadalamhati  sa  kasawian ng inyong  mahal na anak.

Kasunod naman noon ang isa  pang trahedya   -  ang pagkatalo ng inyong kandidatong ipinalit kay Kit, kung kalian nag-umpisa ang pamumuno ni  Hermie Dolor  kasunod  ng halalang iyon.

Bago  ang trahedyang ito, dahil  tayo ay naging magkaibigan,  at itinuring ko kayong isang ama na mahihingan ng payo, madalas  akong  pumapasyal sa  inyo upang  maghinga ng mga problema ko noon. Kayo  rin ay  naghihinga sa  akin  ng inyong pananaw  at sama  ng loob. Inakala pa ninyo  noon  na si Gobernador Dodo Mandanas  na  sumusuporta sa inyong  kalabang  si  Hermie Dolor ay nagnanais na  kontrolin  ang  pulitika sa  Bauan.

Halos   18 taon na ang nakalipas.  Lugmok na ngayon ang dating naipagmamalaking Bauan. Kabi-kabila ang dusa ng mamamayan- mataas na singil sa ilaw at tubig, paupa sa palengke, prangkisa ng tricycle; masikip na daloy ng trapiko; sinalaulang plaza; ginibang munisipyo; at lubog sa utang o pagkakasanla ang Bauan. Balak pa ring gibain ang ilang makasaysayang istruktura, gaya ng Bauan East Central School.

Maging ang kultura ng Bauan na  inyong pinagyaman ay tila isinantabi  na.

Pasarap naman sa kabi-byahe sa ibang bansa ang mga opisyal ng munisipyo. Balita pa ang luho ng ilang matatas na opisyal.

Laganap  din ang brutal na patayan na ang mga biktima ay mga anak din ng  Bauan,  kabilang  sina August deJoya  at Mei Magsino (bagama’t  sa labas sya ng Bauan itinumba), at maraming iba pa. Isa pa nga  sa mga ito ay ang pagpatay sa  isang tao sa mismong malapit sa session hall ng  Sangguniang Bayan kung saan walang pumansin sa duguang  nakalugmok na biktima gayong may  malapit na  ospital kung  saan pwede syang   itakbo. (Ganyan din ang nangyari kay Mei kung  saan  pinabayaan sya ng mga pulis na nakahandusay sa kalsada ng ilang oras kaya nasunog ang balat). Brutal, malupit, lantaran na para bagang iisa ang grupo o mga taong gumawa!

Mahal kong Ka Pakito, alam  kung wala na kayo sa pulitika at matagal na, subalit sa mga nangyayaring ito, nais ko kayong tanunging muli – ngayong binura  na halos ang  mga  pinaghirapan nyo at ito ay inyong nasasaksihan, paano nyo po gustong maalala ng inyong bayang pinaglingkuran?

Lahat po tayo ay  lilisan sa daigdig na ito, at habang  may magagawa pa tayo sa munting paraan, lalo pa kung ito ay may kaugnayan sa inyong pinagpagurang itatag at ipundar, hindi kaya  marapat lamang na makarating  sa inyo ang  paghahanap ng  kalinga ng inyong bayan? Bilang isang nakatatandang pinuno, mahalagang malaman ng mga mamamayan ang inyong pananaw sa mga kaganapan.

Maraming salamat po.

Lubos na gumagalang,

Nomer BONG Macalalad






2 comments:

Anonymous said...

patawa ka ata pare ko'y. walang wala na ga at si Ka Pakito na ang iyong pinaaambuyan? kawa-awa naman aring bayan ko. kahit saan ka bumaling, kanan, kaliwa at gitna lahat ay palyado.. puro masasama ang track records. lahat may pansariling intensyon sa bayan..
Kay Ka Pakito kapa talaga nanawagan?! palibhasa ikaw ay hindi taga Bauan at di mo naranasan mamuhay sa bayan sa ilalim ng pamamahala ni Ka Pakito. sa loob ng 20 taon mahigit na pamamalakad nya, sasabihin ko sayo, walang taga Bauan ang makakaalala sa legacy nya at tunay naman wala siyang iniwan kahit isa.

Bong Macalalad said...

Read between the lines pare ko