Wednesday, March 30, 2016

Bauan’s continuing saga: Will it be the Achilles heel of Dodo Mandanas?

Marami ang nakakaalam na may kakaibang pulitika sa Bauan. Naging isa na itong political dynasty ng may 18 taon, kung saan ang dating kaalyado (tinulungan nang matagal na panahon noong talunan pa) na pamilya ni Hermie Dolor ay lantarang dumidiskampanya kay Governor Dodo Mandanas, taal na anak ng Aplaya, Bauan.


Maging ang “anointed successor” ni Ka Dodo sa pagka-congressman na si Raneo Abu, manugang sa pamangkin ni Dolor ay matagal nang hindi sumusuporta sa nagpalaki sa kanya na si Ka Dodo. Marami ang hindi magandang salitang binibitiwan nya laban kay Ka Dodo sa mga staff at nakakausap nya. Maaalalang si Abu ay dating staff ni Ka Dodo sa kapitolyo hanggang sa kongreso. May mga alingasngas pa nga na si Abu ang humaharap sa mga kontratista ng mga pet projects ni Ka Dodo, kung saan ipinakikilala nya ang sarili bilang Chief of Staff ng dating kongresista at balitang nangungumisyon, pero makailang beses na inihayag, ayon sa aking mapagkakatiwalaang source, na napunta kay Mandanas ang mga ito.

Hermie Dolor
Ngayon na muling naglalaban sina Atty. Johnny Magboo at Dolor, kung saan pangita ang lakas ng oposisyon sa Bauan, inasahan ng marami na maski kumakandidatong independent si Ka Dodo ay papanig na sya sa oposisyon. Subalit naging matigas ang kanyang paninindigan na wala syang papanigan.

Si Achilles sa Greek mythology ay isang halos perpektong mandirigma. Ang kanyang lakas ay katumbas ng isang hukbo na gaya ng lakas ni Ka Dodo sa pulitika sa Batangas mula nang sya ay manalo bilang Gobernador noong 1995 at hindi pa natalo. Subalit si Achilles ay may isang kahinaan at iyon ay sa kanyang “heel” o sakong. Nang malaman ito ng kanyang mga kaaaway, iyon ang pinuntirya at nagawa nilang patayin si Achilles.


Sa Bauan, matindi ang mga patayan, panggigipit sa kritiko, pagwasak sa mga mahahalagang “heritage” edifice gaya ng munisipyo at municipal plaza, balak gibaing daang taon na Bauan East Central School, pagbebenta ng mga public utilities gaya ng supply ng kuryente at tubig na nagresulta sa mataas na singil, at korupsyon. Naghanap ng kalinga ang oposisyon kay Ka Dodo, subalit sila ay nabigo.

Lantarang dinadala nina Dolor at Abu si Mark Leviste (kampo nina Recto at Roxas) na kalaban ni Mandanas. Kamakailan, nilapitan na rin ni Dong Mendoza (kampo ni Poe) ang oposisyon na naging dahilan ng kanilang pagsasama. Ngayon ay ikakampanya nina Johnny Magboo si Mendoza sa pagka-gobernador.

Ano ang epekto nito sa pulitika sa Bauan?

1.       Wala kay Mandanas – mananatiling malakas si Mandanas sa Bauan kung saan tinitingala sya bilang natatanging anak ng Bauan. Sa aking pananaw, nakabuo na si Mandanas ng isang personality cult sa Bauan kung hindi man sa buong Batangas, na parang isang “infallible politician” na di maaaring magkamali maski marami ang naguguluhan sa ilan nyang desisyon. Maaaring ang imahe nyang hindi corrupt ang isang magnetic shield nya sa lahat ng isyu.

SSi Vice President Jojo Binay na may ugat sa Bauan ay maaaring i-endorso ni Mandanas. Sa Bauan, lalo itong magpapalakas sa kanya, subalit hindi natin masabi sa buong lalawigan sa harap ng isang personality cult na nabuo naman ni Rody Duterte, ang lumilitaw na pinaka-popular na kandidato sa pagka-Pangulo sa Batangas kung social media ang susukatin.

SSubalit hindi natin masabi na kung magsalita na si Mandanas ng pabor kay Binay ay maaaring magbago ang ihip ng hangin sa argumentong “iba ang sariing atin.”

2.       Kawalan kina Dolor at Abu – ang lantarang paninira kay Mandanas ay kawalan nila sapagkat nagpapakita ito ng kawalan ng pagtanaw ng utang na loob, isang mataas na uri ng katangian ng mga Batanggenyo.

3.       Wala kay Magboo – mananatili ang moral ascendancy ni Magboo bilang isang tunay na oposisyon sa Bauan. Ang kanyang pagdadala sa kampo nina Mendoza at Poe ay isang plus factor, dahil sa popularity ni Poe sa kabataan. Alam naman ng marami na mataas ang respeto ni Magboo kay Mandanas kaya mauunawaan nila ang kanyang pag-endorso sa ibang kandidato dahil kay Mandanas naman nagmula ang pasyang walang i-endorso sa pagka-Mayor sa Bauan.

The unfolding political development in Bauan s worth watching.


No comments: